MANILA, Philippines - Tuloy na tuloy na ang pagbabalik ng Philippine Olympic Committee (POC)- Philippine Sports Commission (PSC) Philippine National Games (PNG) ngayong taon.
Ito ay matapos lagdaan ng mga pangunahing opisyales ng PSC at ng apat na Alkalde ng Bacolod City ang isang Memorandum of Agreement para sa pagsasagawa ng 2011 PNG kahapon sa New Government Center sa Bacolod City.
Ang mga lumagda sa MOA ay sina PSC chairman Ricardo ‘Richie’ Garcia, Gov. Alfredo Marañon at sina Bacolod Mayor Evelio Leonardia, Bago Mayor Ramon Torres, Silay Mayor Jose Montelibano at Talisay Mayor Eric Saratan.
Nakasama rin ni Garcia sa naturang okasyon sina PSC Commissioners Joaquin ‘Chito’ Loyzaga at Jose Luis ‘Jolly’ Gomez.
Sinabi ni Garcia na napili ang Negros Occidental at ang Bacolod City para pagdausan ng 2011 PNG dahil sa matagumpay nitong pangangasiwa sa ilang hinawakang national at international events.
Bukas naman sa lahat ng Filipino athletes ang nasabing sports event na magsisilbing basehan ng paghugot ng mga bagong miyembro ng national team na maaaring ilahok sa Southeast Asian Games, Asian Games at Olympic Games, ayon kay Gomez.
Ang 2011 PNG ay gagastusan ng sports commission ng P30 milyon kung saan halos 8,500 atleta mula sa 17 rehiyon ang lalahok, kasama rito ang mga national team mainstays. Kabuuang 36 sports events ang naka-latag sa 2011 PNG.
Idaraos sa Bacolod City ang 5K at 10K marathon, athletics, badminton, beach volleyball, billiards, equestrian, fencing, gymnastics, judo, karatedo, lawn tennis, motorcycle sports, sailing, soft tennis, swimming, taekwondo, volleyball, wall climbing, weightlifting, wind surfing at wrestling.
Nasa Bago City naman ang canoe kayak, dragon boat, muay thai at wushu, habang ang baseball, road cycling, futsal, football, penkak silat, softball at table tennisay gagawin sa Talisay.
Ang Silay City ang mamamahala sa archery, arnis, sepak takraw at triathlon.