MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling dinomina ni 2003 Asian Motocross champion Glenn Aguilar ang Pro Open category sa katatapos na 2nd CEO-JYL Motocross Invitationals sa Molino, Cavite.
Maliban sa 36-anyos na si Aguilar, sumabak rin sa torneo sina Rider of the Year Jolet Jao at ang kinatatakutang pamilya ng mga Tolentino.
“We welcome Jolet Jao and the famous Tolentino family to our tournament,” wika ni Jay Y. Lacnit, presidente ng nag-oorganisang Sel-J Sports. “Had not for the injury to Jovy Saulog, mas matindi sana ang labanan.”
Si Jao at ang mga Tolentino, dating lumalahok sa NAMMSA, ay nagdesisyon na sumali sa karerang inorganisa ng Sel-J Sports sa layuning muling ipakita ang kanilang talento at husay sa pagkarera sa motocross.
Kabuuang 500 points ang hinakot ni Aguilar para kunin ang tropeo sa Pro Open kasunod sina Ambo Yapparcon (44), JC Rellosa (40), Noynoy Rellosa (36) at Jolet Jao (32).
Pinalipad ni Aguilar, nagkampeon sa Pro Open at Pro Lites sa unang leg ng Enersel Forte World Motocross Series, ang kanyang KTM 350 cc sa maigsing race track ng Molino para dominahin ang karera.
Nanalo naman sa Executive C ang organizer at avid motocross rider na si Jay Lacnit sa kanyang nakolektang 47 points makaraang manaig sa secod heat kontra kina Arvin Santos (47) at Toti Alberto (40).