Caguioa susi ng Kings sa pagpasok sa semis, PBA PoW
MANILA, Philippines - Kung may Gin Kings mang nagpapatunay sa ‘do-or-die’ spirit ng Barangay Ginebra, ito ay si Mark Caguioa.
Ang 2001 Rookie of the Year awardee na si Caguioa ay nagposte ng mga averages na 21.3 points, 8.0 rebounds, 2.7 assists at 1.3 steals upang tulungan ang Gin Kings sa tatlong sunod na panalo simula sa Game Three ng kanilang quarterfinals series ng Rain or Shine Elasto Painters hanggang sa Game Two ng kanilang semifinals showdown ng Smart-Gilas Nationals sa 2011 PBA Commissioner’s Cup.
“Mark Caguioa is a competitor. He’s a fighter, ayaw magpatalo,” sabi ni Ginebra head coach Jong Uichico sa kanyang guard-forward na tinanghal na Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Sa pagtamlay ng laro ni import Nate Brumfield, humataw si Caguioa ng 30 points at 11 rebounds upang igiya ang Gin Kings sa 92-82 panalo sa Elasto Painters noong nakaraang Miyerkules upang tapusin ang kanilang best-of-three quarterfinals duel sa 2-1.
Umiskor lamang si Brumfield ng 12 points mula sa malamyang 4-for-12 fieldgoal shooting.
Inasahan rin ng Ginebra ang tubong Vergara, Mandaluyong sa kanilang 97-96 at 110-103 paggupo sa Smart-Gilas upang kunin ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals wars.
Nagposte si Caguioa ng average na 17.0 points sa nasabing dalawang sunod na panalo ng Gin Kings.
Tinalo ni Caguioa para sa Player of the Week award sina Ranidel de Ocampo (18.5 points, 7.5 rebounds) ng Talk ‘N Text, nagkarga rin ng 2-0 bentahe sa kanilang semis series ng Air21.
- Latest
- Trending