Toroman positibo sa grupong napili

MANILA, Philippines - Positibo ang pressure na nararamdaman ni coach Rajko Toroman na hahawakan ang Smart Gilas national team sa 22nd FIBA Asia Champions Cup na tatakbo mula Mayo 28 hanggang Hunyo 5 sa Phil­sports Arena sa Pasig City.

“There is pressure, positive pressure, because this is the first time that Filipinos will be cheering for us,” wika ni Toroman sa panayam ma­tapos isagawa ang draw na pinamunuan ni FIBA Asia Deputy Secretary General Hagop Khajirian sa Discovery Suites kahapon.

Binigyan ng pagkaka­taon ang host country na makapamili ng grupong la­lahukan, pinili ni Toroman ang Group A at makakasama nila ang Jordan, Japan, Malaysia at alinman sa Kazakhstan o Afghanistan.

Ang kabilang grupo ay bubuuin naman ng matitikas na Iran, Qatar, United Arab Emirates, Lebanon at Syria.

“The quarterfinals is the most important game so I think playing in our group will help us build confidence to make the team ready for the quarterfinals. Its going to be easy but not as tough as in the other group where the best teams are playing,” pahayag pa ng Serbian coach.

Isang single round group elimination ang mang­­yayari sa dalawang pangkat at ang mangungu­lelat na koponan ay masisibak agad.

Ang walong koponan ang maglalaban sa cross-over quarterfinals at sa yug­tong ito ipaiiral ang knock­out format.

Dalawang imports ang puwedeng kunin ng mga ko­ponang kasali at ang Iran, Syria at Qatar ay magpapasok din ng kanilang national teams para matiyak na bigatin ang mga ito sa liga.

“We’re at a disadvantage because we only have Marcus Douthit. But this is the first time that crowd will be with us. We’re playing good basketball and the Filipinos recognize this fact and will support us,” dagdag pa ni Toroman.

Kasalukuyan pang nag­lalaro ang Gilas sa PBA na kung saan kalaro nila ang Barangay Ginebra sa semifinals at ang karanasan sa paglalaro sa pro league ay makakatulong para maging mabunga ang kalalabasan ng paglahok sa Champions Cup.

Show comments