Formula ng tagumpay

Talk N Text versus Smart Gilas pa rin iyan sa finals ng PBA Commissioners Cup!

Iyan ang pananaw ng karamihan ng sumusubaybay sa kaganapan ng ikalawang conference ng PBA. At maganda naman ang kanilang basehan dahil nga sa ang Tropang Texters at National ang siyang naging top two teams sa pagtatapos ng maikling elimination round, Tinalo ng dalawang ito ang apat na quarterfinalists.

Ang Talk N Text, na sa ikatlong sunod na conference ay siyang naging topnotcher, ay nagposte ng 8-1 record. Ang tanging kabiguang sinapit ng Tropang Texters ay kontra sa Nationals noong una nilang pagtatagpo.

Ang Smart Gilas ay sumegunda sa record na 7-2. Natalo ang Nationals sa B-Meg Derby Ace at Meralco Bolts na kapwa hindi nakausad sa quarterfinals at ma­agang nagbakasyong kagaya ng Powerade Tigers at San Miguel Beer.

So, base sa kanilang performance sa elims, angat nga ang Talk N Text at Smart Gilas sa alin mang koponang makakatagpo nila sa best-of-five semis.

Makakatunggali ng Tropang Texters ang magwa­wagi sa best-of-three quarterfinals series sa pagitan ng Alaska Milk at Air21 Express. Makakaharap naman ng Smart Gilas Pilipinas ang mananalo sa duwelo ng Barangay Ginebra at Rain or Shine.

Tabla ang magkabilang serye, 1-all. Sa Game One ay nagwagi ang Barangay Ginebra laban sa Rain or Shine, 100-91. Pero noong Linggo ay nakabawi ang Elasto Painters, 113-97 upang makapuwersa ng do-or-die game.

Naungusan naman ng Alaska Milk ang Air 21, 91-89 sa Game One pero nakabawi ang Express, 94-84 para magkaroon ng rubber match.

Dahil sa nagkaroon ng knockout games bukas, lalong mapapaboran ang Tropang Texters at Nationals. Biruin mong dadaan pa sa bugbugan at patayan ang makakasagupa nila. Malambot na ang alinman sa mga makakatunggali nila sa simula ng semis.

Inaasahan na naman kasi ng lahat na mamayagpag ang Talk N Text dahil sa build-up na ginawa ng Tropang Texters noong nakaraang season. Kumbaga’y sinimulan ng coaching staff at pamunuan ng Tropang Texters na planuhin ang kanilang kinabukasan nang maaga pa lamang. Hindi na nila hinintay na tumanda ang mga players nila.

Kaya naman kahit paano’y maihahalintulad sila sa Smart Gilas na kinabibilangan ng mga players na ma­sasabing future din naman ng PBA.

So, kung titingnang maigi, para ba’ng ang “secret formula” na hindi naman talaga sikreto ay “Youth.”

Iyon talaga iyon, e. Kailangang ng mga koponan ng mga young blood at fresh legs upang mamayagpag sa PBA. Kaya nga napakabilis ng turnover ng mga manlalaro sa pro leage. Tanging ang mga matitinding players lang ang puwedeng magtagal at ang mga borderline cases ay madaling natsutsugi.

Namamadali ang growth at development ng mga batang players na umaakyat sa PBA. Kailangang ipa­kita nilang kaya nilang maglaro nang tila mga “mama” na.

Siguradong ang mga koponang maagang nalaglag sa Commissioners up ay nag-iisip na ring gayahin ang formula na ito!

Show comments