Lining inilaglag ni Liu sa loser's bracket sa Phl Open
MANILA, Philippines - Dadaan sa mas mahirap na ruta si Antonio Lining sa hangarin nitong makapasok sa Final Four sa 2011 Philippine Open Pool Championships kahapon sa SM Megamall Trade Hall sa Mandaluyong City.
Ang top seed sa kompetisyon at natatanging local player na nasa winner’s bracket ay nalaglag na rin sa loser’s group nang lasapin ang 8-9 pagkatalo kay Liu Haitao ng China.
Masakit ang kabiguang ito para sa No. 2-ranked player ng World Pool Association (WPA) dahil nakauna siya sa hill, 8-5, pero nakahulagpos ang panalo at puwesto sana sa Final Four mula sa winner’s group nang maisablay ang 2-8 kombinasyon sa 14th rack.
Ang pagkakataon ay hindi na binitawan ni Liu na tinuhog ang huling apat na racks, kasama ang run-outs sa racked 16th at 17th.
Dahil dito, kailangang manalo muna si Lining, kinalos ang kababayang si Lee Van Corteza, 9-6, sa naunang laro, sa loser’s bracket para makausad sa semifinals.
Makakalaro niya para sa puwesto sa susunod na yugto ang mananalo sa pagitan nina Darren Appleton ng Great Britain at Fu Che Wei ng Chinese Taipei.
Si Carlo Biado ang makakasama ni Lining sa hangaring balikatin ang kampanya ng bansa nang talunin ang nagdedepensang sina Ricky Yang ng Indonesia, 9-1, at Dennis Orcollo, 9-7.
- Latest
- Trending