MANILA, Philippines - Kung ang matayog na eksperyensa sa pagsagupa sa mga bigating boksingero ang bentahe ni Sugar Shane Mosley, ang liksi at lakas naman ang sinasandigan ni Manny Pacquiao.
Sa panayam kahapon ng 8CountNews sa Los Angeles, California, sinabi ng 32-anyos na Filipino world eight-division champion na hindi siya nagkukumpiyansa sa kanyang pagiging mas bata ng pitong taon sa 39-anyos na si Mosley.
"The keys are my speed and power," sabi ni Pacquiao. "I don't underestimate Shane Mosley because he's bigger and a strong fighter. He's never been knocked down."
Kasalukuyang nagsasanay ang Sarangani Congressman sa Wildcard Boxing Gym sa Hollywood, California, habang ang three-time world titlist namang si Mosley ay nag-eensayo sa Big Bear Lakes sa California.
Nakatakdang ipagtanggol ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Whatever type of fight it will be, I will be ready,” sabi ni “Pacman” sa ipapakitang laban ni Mosley. “I am practicing different technique and strategy. I am ready for whatever fight happens.”
Bitbit ni Pacquiao ang kanyang 52-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, habang taglay ni Mosley ang 46-6-1 (39 KOs) slate.
Maraming boxing experts ang nagsasabing bumagal at humina na si Mosley mula sa kanyang draw kay Sergio Mora at unanimous decision loss kay Floyd Mayweather, Jr. noong nakaraang taon.
“I don't think it's because he's older. I think he took Mora lightly because he's not a popular fighter like Mayweather. This time he is fighting me, and I know he will be doing his best to win the fight. I will be 100 percent ready for the fight,” sabi ni Pacquiao.
Nauna na ring sinabi ni Mosley na hindi niya ipapasa sa mga judges ang magiging resulta ng kanilang championship fight ni Pacquiao dahil mas gusto niya itong pabagsakin.