Pasig judge pinapa-inhibit
MANILA, Philippines - Naghain kahapon ng Motion to Inhibit ang kampo ng Philippine Olympic Committee laban kay Pasig City Regional Trial Court Branch 265 judge Danilo Buenio na siyang may hawak ng kasong isinampa ni Go Teng Kok.
Kahapon dapat sinimulan ang una sa dalawang pagdinig kung igagawad ba o hindi ang permanent injunction sa pagkilala ng POC sa isang grupo ng Philippine Karatedo Federation (PKF) pero hindi nangyari ito dahil sa mosyong ipinasok ng abogado ng POC na sina Atty. Ramon Malinao at Atty. Percival Brigola.
Muntik pa ngang magkagulo sa loob ng sala nang mag-init ang ulo ni Atty. Sammy Estimo, ang legal counsel ni Go sa mga patutsada ni Atty. Brigola.
Tumagal lamang ng 30 minuto ang sesyon bago at tinapos ito ni Judge Buenio sa pagpapasumite kay Atty Estimo ng kanyang komento sa mosyong inihain ng karibal na grupo.
Nagreklamo si Go sa korte nang kilalanin ng POC si Joey Romasanta bilang lehitimong pangulo ng PKF.
- Latest
- Trending