MANILA, Philippines - Mula sa pagiging role player sa San Miguel, isa na ngayong star player si Danny Seigle sa Air21.
At ipinakita niya ito nang pangunahan ang Express sa dalawa sa tatlong sunod na panalo para makasilip ng tsansa sa ikaapat at huling quarterfinals berth sa 2011 PBA Commissioner’s Cup.
“I’m drawn back into a bigger role and it’s not just my scoring. I have to rebound, play defense. It’s been a challenge and I just love going out there and compete,” sabi ni Seigle.
Sa kanyang mga averages na 20.5 points, 12.0 rebounds, 2.0 blocks, 1.5 assists at 1.0 steals, kinilala si Seigle bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week. Ito ang unang Player of the Week honor ng 1999 Rookie of the Year sapul noong 2008 Fiesta Conference.
Dinala ng San Miguel sina Seigle, Dondon Hontiveros, Dorian Peña at Paul Artadi sa Air21 kapalit ng mga bagitong sina Rabeh Al-Hussaini, Nonoy Baclao at Rey Guevarra noong Marso 2.
Ayon kay Seigle, wala siyang sama ng loob sa San Miguel Corporation na kanyang nabigyan ng anim na PBA championships.
Sa 110-101 panalo ng Air21 sa Meralco noong Miyerkules, tumipa si Seigle ng 18 points at 12 rebounds at nagtala ng 23 points at 12 rebounds sa 108-98 paggiba sa Powerade noong Linggo.
May 4-4 baraha ang Air21 katabla ang Rain or Shine sa ilalim ng Talk ‘N Text (8-1), Smart-Gilas (7-2), Alaska (5-3), Barangay Ginebra (5-4) at Derby Ace (4-5) kasunod ang mga talsik nang Meralco (3-6), Powerade (2-7) at San Miguel (1-7).