Carlos, Escueta kampeon sa PBaRS

MANILA, Philippines - Sumandal si Ma. Bian­­ca Ysabel Carlos sa magandang diskarte para balewalain ang karanasang taglay ni Gelita Castilo tungo sa 21-17, 21-14, straight sets na panalo at makamit ang Open ladies title sa pagtatapos ng MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza 1st Philippine Bad­minton Ranking System (PBaRS) tournament sa Ynares Sports Arena sa Pasig City kahapon.

Umani ng mahahalagang puntos si Carlos sa sa­litang smashes at drop shots para makuha ng Golden Shuttle Foundation bet ang panalo sa loob lamang ng 27 minuto.

Ang panalo ay nagkahalaga ng P70,000 gantim­pala at ang straight sets panalo ay kumumpleto sa di paglasap ng kabiguan ni Carlos sa kabuuan ngkompetisyong suportado ng MVP Sports Foundation Goal-Pilipinas!, Bingo Bo­nanza Corp at Victor PCOME.

Matapos ang walk-over panalo kay Janelle De Vera, isinunod niya si Joyce Po, 21-12, 21-12 sa round of 16; si Alizandra Candelaria, 21-11, 21-10 sa quarterfinals at si Danica Bolos, 21-14, 21-15, sa se­mifinals.

Sumalo kay Carlos ang national player na si Joper Escueta na ibinuhos ang laro laban kay Wilbert Natividad tungo sa 21-12, 21-18, tagumpay at makuha ang U-19 boys singles title.

Ang tagumpay ay pambawi ni Escueta matapos mabigo sa men’s Open division.

Kinuha naman ni Joella De Vera ang titulo sa girls U-15 singles nang pawiin ang pagkatalo sa first set tungo sa mahigpitang 19-21, 21-15, 21-9 panalo laban kay Ysabel Leonardo.

Show comments