Valdez nagpasikat sa Ateneo
MANILA, Philippines - Ipinarada ng Ateneo si Thai impore Kesinee Lithawat pero ang baguhang si Alyssa Valdez ang siyang nagpasikat upang kunin ng Lady Eagles ang 25-17, 25-22, 25-20, straight sets panalo laban sa FEU sa pagsisimula kahapon ng 8th season ng Shakey’s V-League sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos ang 18-anyos na si Valdez taglay ang 14 puntos mula sa 12 kills, 1 block at isang ace upang pamunuan ang matayog na paglalaro ng Ateneo para kunin ang unang panalo sa 10-koponang liga na inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Mikasa at Accel.
Sa first set ay ipinaramdam agad ni Valdez, dating kasapi ng girls national team, ang husay ng paglalaro nang pakawalan niya ang tatlong matutulis na spikes para tapusin ang labanan.
Si Kesinee na naglaro sa koponan noong 2007 ay naghatid ng 9 hits kasama ang 2 blocks at services aces habang sina Fille Cainglet, Gretchen Ho at Jamenea Ferrer ay nagpakita rin ng magandang laro para bigyan din ng magandang pagsalubong sa coaching ang dating player na si Charo Soriano.
“Medyo nagrelax pero ang maganda ay naipanalo pa rin nila ang laro,” wika ni Soriano na sa edad na 25 ang siyang pinakabatang coach sa liga.
Si Ferrer ay may 39 excellent sets para sa Ateneo habang sina Rachel Daquis at Rosemarie Vargas ay nagsanib sa 18 hits para sa natalong koponan.
Kinabig din ng Perpetual Help ang unang panalo sa pamamagitan ng 25-18, 25-17, 25-17, tagumpay sa National University sa ikalawang laro.
Si April Sartin ay humataw sa 15 kills para katampukan ang pangingibabaw ng Lady Altas laban sa Lady Bulldogs na may ipinagmamalaking 6’2 player na si Dindin Santiago.
Dumalo sina PSC chairman Ricardo Garcia at commissioner Chito Loyzaga sa opening ceremony kasama nina San Juan Mayor Guia Gomez, PVF president Gener Dungo, Shakey’s CEO Vic Gregorio at Sports Vision president Ricky Palou at chairman Moying Martelino.
Tampok sa opening ang pagdalo ng mga MVPs ng liga mula 2004 na kung saan sila ay nanguna sa paghahayag ng Oath of Sportsmanship ng mga manlalaro.
- Latest
- Trending
















