David tutumbok sa main draw ng Phl Open
MANILA, Philippines - Ginulat ni Renemar David si Pei Wei Cheng ng Chinese Taipei, 9-5, upang maging ikatlong Filipino pool player na nakapasok sa Philippine Open Pool Championships main draw mula sa isinasagawang qualifying round sa Star Billiards Center sa Quezon City.
Dating pambato ng bansa sa juniors division, nangibabaw agad ang tubong Candon, Ilocos Norte sa unang tatlong racks para mahawakan ang momentum ng labanan.
Namayani si Pei, pumangalawa sa 2004 World Pool Championship na pinagharian ni Alex Pagulayan, ang sumunod na dalawang racks, pero hindi napigil si David nang kunin ang sumunod na apat na racks para sa di na matitinag na 7-3 bentahe.
Bago si David ay nakakuha na rin ng puwesto sa main draw na lalaruin mula Abril 7 hanggang 11 sa SM Megamall sina Jundel Mazon at Roberto Gomez.
Si Gomez ay nanalo kay Wan Chan ng China sa qualifier 4, 9-2; habang si Mazon ay nangibabaw kay Dominic Ting ng Malaysia, 9-1, sa qualifier three.
Ang iba pang qualifiers ay sina Chang Yu Lung at Fu Che Wei ng Chinese Taipei at Mohamad Zulfikri ng Indonesia
Si Zulfikri ay nagdomina sa qualifier 6 laban sa kababayang si Yoni Machnato, 9-5.
Bago narating ang Finals, si David ay kinailangan munang manalo kina Sahroni ng Indonesia, Wang Ming ng China, Lim Leng ng Vietnam at Johari ng Indonesia.
- Latest
- Trending






















