Pinoy bets nalagas agad
MANILA, Philippines - Tinalo ng mga lahok ng Chinese Taipei ang mga ipinagmamalaki ng Pilipinas sa pagsisimula ng Philippine Open Pool Championships qualifying nitong Huwebes sa Star Billiards Center sa Quezon City.
Dominado ni Chang Yu Lung si Joven Bustamante, 9-2, sa unang qualifying bago sumunod si Fu Che Wei nang kunin ang 9-2 tagumpay kay Mario Tolentino sa ikalawang round.
Ang qualifying event ay gagawin mula Abril 1 hanggang 5 na kung saan 10 kalalakihan at 4 na kababaihan ang uusad sa main event na ilalarga mula Abril 7 hanggang 11 sa SM Megamall MegatradeHall.
Si Chang ay kampeon ng China Open noong 2010 habang si Fu ay isang semifinalist sa 2006 World Pool Championship sa Manila.
Bago hinarap si Chang, si Bustamante na pumangatlo sa World 8-Ball Championship noong 2007 na pinagharian ng kababayang si Ronato Alcano, ay nanalo muna sa isa pang Taiwanese player na si Pei Wei Cheng sa semifinals.
Ngunit tila naubos ang husay ni Bustamante sa Finals dahil hindi niya nasabayan ang matikas na laro ni Chang na kinuha ang walo sa huling siyam na racks na pinaglabanan.
Ganito rin ang ginawa ni Fu kay Tolentino na nalusutan ang kababayang si Rodrigo Geronimo sa semis sa 7-6 iskor.
Limang sunod na racks ang ipinanalo ni Fu upang lumayo matapos ang katiting na 3-2 kalamangan.
Ininda rin ni Tolentino ang maraming errors sa laro para mabigo sa hangarin na maging kauna-unahang Pinoy na umusad sa main event mula sa qualifying round.
- Latest
- Trending