Int'l invitational tourney plano ng Shakey's V-League

MANILA, Philippines - Isang international invi­ta­tional tournament ang balak isagawa ng Sports Vi­sion upang mas tumaas pa ang kalidad ng paglalaro ng women’s volleyball sa ban­sa.

Inorganisa ng Sports Vision, ang invitational ay isusulong sa Oktubre o Nobyembre at katatampukan ng mga bisitang koponan mula Thailand, Vietnam at Indonesia.

Ang ganitong palaro ay binalak gawin noon pang nakaraang taon pero naudlot ito dala ng hostage crisis dahilan upang umatras ang mga naunang nagpasabing bansa na sasali sa torneo.

“Last year pa nakaplano ito pero dahil sa hostage crisis sa Luneta noong August ay hindi na ito natuloy dahil ayaw nang pumunta ang mga inimbitahang teams. Pero this year, sisikapin na­ming gawin ito,” wika ni Sports Vision chairman Mo­ying Martelino.

Ang kakatawan sa bansa ay alinman sa natio­nal wo­men’s team o isang Shakey’s V-League All Stars.

“Kung handa na ang wo­men’s national team ay sila ang ilalaban. Pero kung hindi, isang V-league All Stars ang isasali namin,” dagdag pa ni Martelino.

Ang aksyon na ito ng Sports Vision ay gagawin kasunod ng 8th season ng Shakey’s V-League at ku­mikilos sila ngayon katuwang ang bagong pamunuan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) sa pangu­nguna ni Gener Dungo.

Ilang ulit nang nakapag­harap ang dalawang panig at nagpahayag si Dungo ng pagsuporta sa mga plano ng Sports Vision.

Bilang bahagi ng pakikiisa ng PVF ay pinahintulu­tan nila ang kanilang mga referees na mag-officiate sa V-League.

Pormal na magbubukas ang 8th season ng liga bukas sa The Arena sa San Juan sa ganap na ala-1 ng hapon.

Matapos ang makulay na opening ceremony ay sa­sambulat ang mga laro at unang sasalang ang Ateneo at FEU sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Perpetual Help at National University dakong alas-4.

Ang iba pang koponang kasali sa torneo ay ang San Sebastian, Adamson, Lyceum, St. Benilde at mga Vi­sayas teams na La Salle Ba­colod at South Western.

Show comments