P7M premyo inilatag ng LBC para sa Ronda Pilipinas
MANILA, Philippines - Makatuklas ng mga mahuhusay na siklista na maaaring ilaban sa mga malalaki at nirerespetong pakarera sa ibang bansa ang layunin ng LBC upang pasukin nila ang pagtulong sa cycling.
“Nationwide ang LBC at malaki ang maitutulong nito sa promotion ng aming kumpanya. Pero matagal na kaming sumusuporta sa sports dahil pumasok na kami sa basketball sa MBA at PBL at iba pa. Ngunit sa cycling namin nakikita na mas makakakulong kami kaya’t nagdesisyon na kaming sumuporta sa sport na ito,” wika ni Fernando Araneta, COO ng LBC Express sa pormal na paglulunsad ng LBC Ronda Pilipinas kahapon sa National Sports Grill sa Makati City.
Tatlong taon ang itatagal ng pagsuporta ng LBC pero hindi sila mangingiming palawigin ito lalo kung may makikitang potensyal na siklista na maaring kuminang sa mga malalaking karera tulad ng Tour De Langkawi at Tour De France.
Ang unang taon ng karera ay bukas lamang sa mga Filipino cyclist at sila ay magbabakbakan sa loob ng 12 stage na tatagal ng 20 araw. Aabot sa 1,650 ang kilometrong tatahakin ng may 72 siklistang bubuo sa 12 koponan sa karerang ilalarga sa kalagitnaan ng Setyembre at Oktubre.
Pinasarap ang tunggalian ng paglalagay ng P7 milyong premyo at ang individual at team champion ay tatanggap ng tig-P1 milyon habang ang stage winner ay magagantimpalaan naman ng P50,000.
Ang dalawang lap sa Baguio ang siyang sinasabing magdedetermina sa hihiranging kampeon dahil susukat ito sa tibay ng dibdib at lakas ng resistensya ng siklista.
Magdaraos naman ng mga qualifying races sa bandang Mayo ang organizers upang mapili ang mga siklistang makakasali.
Ang national riders ay ipapasok din bilang guest team para maging bahagi ang karera sa paghahanda nila sa 26th SEA Games sa Nobyembre sa Indonesia.
- Latest
- Trending