MANILA, Philippines - May 30 bansa na kakatawanin ng mahigit 200 babae at lalaking pool players ang nagkumpirma ng partisipasyon sa Philippine Open Pool Championship na gaganapin simula ngayon hanggang Abril 11.
Ang world-ranking event na ito ng World Pool-Billiard Asociation (WPA), ay magkakaroon ng qualifying round (Stage 1) sa March 31- April 4 sa Star Billiards Center sa Quezon City. Susundan ito ng main tournament (Stage 2) sa April 7-11, 2011 sa SM Megamall Megatrade Hall sa Mandaluyong City.
Tampok sa torneo ang Men’s at Women’s Championship. Ang men’s championship ay may main draw na 64 players at ang women’s championship ay may 32 players sa main draw.
Ang Philippine Open ay ten-ball event. Ang format ay double elimination, na tatapusin ng final four.
Sa 200 confirmed participants, karamihan dito ay mga world class pool players mula sa Asia, Europe, at North America. Naglahok din ng pambato ang Kuwait at United Arab Emirates.
Dalawa pang Middle East countries ang sasali sa torneo, ang Qatar at Iran.
Nangunguna sa listahan ng mga kalahok ay ang mga reigning men’s and women’s world champions sa iba’t ibang pool disciplines na sina Dennis Orcollo (Philippines), bagong world men‘s 8-ball champion; Mika Immonen (Finland), world 10-ball champion; Jasmin Ouschan (Austria), women’s world 10-ball champion; at Fu Xiao-Fang, women’s world 9-ball champion.