NBTC pinasok na ang mga public school
MANILA, Philippines - Inaasahang mas lalawig na ang pagmumulan ng talento ng basketbolista sa bansa sa madaling hinaharap.
Ganito ang dapat asahan matapos pasukin na rin ng National Basketball Training Center (NBTC) ang pagtulong ng libre sa pampublikong paaralan para makapaglagay sila ng matinong programa sa basketball.
Sa pamamagitan ng Public School Youth Basketball Program, tumukoy ng 80 high school mula sa NCR. Luzon, Visayas at Mindanao ang NBTC na pinamumunuan ni program director Eric Altamirano, para hasain hindi lamang ang mga manlalaro kundi pati mga coaches nito.
“We are aware that public schools is one of the sectors of our society that is not given enough attention when it comes to sports programs,” wika ni Altamirano.
Aabot sa 4,800 mag-aaral edad 14 hanggang 17 at 320 coaches ang mabibiyaan ng proyekto na nagkaroon ng tibay dala ng suporta ng TAO Corporation ni Joel Lopa, Energen Cereal Drink at Department of Education (DepEd).
Si Alex Compton ang siyang tatayong national training director at katuwang ang iba pang kasamahan sa NBTC ay lilibutin ang mga napiling paaralan upang ituro rin ang kahalagahan ng LEAD o Leadership, Excellence, Attitude at Discipline na kailangan ng isang tao para maging isang mabuting mamamayan.
Ang mga siyudad at lugar na iikutin ng programa na nagsimula noon pang Pebrero 12 ay ang Pasig City, Quezon City, Muntinlupa at Marikina sa NCR; Lucena, Naga, Cavite at Palawan sa South Luzon, Bulacan, Olongapo, Pampanga at Tarlac sa North Luzon, Ormoc, Dumaguete, Cebu at Bohol sa Visayas at Cagayan de Oro, Davao, Zamboanga at General Santos City sa Mindanao.
- Latest
- Trending