MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ang tagisan ng mga matitikas na badminton players sa Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) sa PowerSmash sa Makati City.
Inorganisa ng Philippine Badminton Association at suportado ng MVP Sports Foundation-Goal Pilipinas, Bingo Bonanza Corp. at Victor, mga kasalukuyan at dating kasapi ng national team bukod pa sa mga mahuhusay na collegiate players ang magpapasikatan upang makuha ang mahahalagang panalo at mapabilang sa koponang ilalaban sa mga malalaking kompetisyon sa labas ng bansa.
Mangunguna sa mga dating national players ay sina Melvin Llanes, Lloyd Escoses at Jaime Llanes habang sina Joper Escueta, Peter Magnaye, Patricia Barredo at Janelle de Vera ang mga babandera sa kasalukuyang manlalaro ng national pool.
Sina Antonino Gadi, Gelita Castilo, Cassandra Lim, Nikki Servando at Kelvin Panganiban ang mga mamumuno naman sa mga beterano at mga papasibol na manlalaro.
Ganap na alas-8 ng umaga bubuksan ang aksyon at katatampukan ito ng pagkikita nina Escueta at Randolph Balatbat; Gadi at Salvador Kapunan; Escoses at Joel Estrada; Magnaye at Gian Manuel; at Paul Vivas laban kay Ryan Reyes.
Tagisan nina Castilo at Mayen Chua; Barredo at Kristine Cornista; De Vera at Bianca Calos at Lim at Pia Fabros ang aksyon sa kababaihan.
Binasbasan ng POC at PSC at itinalaga ang Philippine Star, TV5, Badminton Extreme Philippines Magazine, Jam 88.3, Wave 89.1, Magic 89.9, 99.5 RT at 103.5 WOW bilang media partners, ang mananalo sa Open Class ay tatanggap ng P70,000 habang P20,000 at P10,000 naman ang maiuuwi ng mangunguna sa U-19 at U-15.