MANILA, Philippines - Isang relief operation ang gagawin ng Philippine Azkals para sa mga biktima ng baha sa Tacloban City sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Ayon kay team manager Dan Palami, hihingin niya ang suporta ng mga Azkals, partikular ang mga tubong Pilipinas, na tumulong sa naturang relief operation.
“We feel very fortunate to survive the recent calamities,” ani Palami sa naranasang lindol ng Azkals habang naghahanda sa Gotemba, Japan at sa Rangoon, Myanmar para sa kanilang paglalaro sa group stage ng AFC Challenge Cup.
Isang magnitude 8.9 earthquake ang yumanig sa Japan noong Marso 19 na nag-iwan ng pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga Japanese sa Sendai City.
Isang magnitude 6.8 naman ang tumama sa Myanmar kamakailan.
“We’re thankful that despite all these, blessings continued to pour in. I am asking the guys to use this opportunity to help the victims of the recent flooding in Tacloban City and nearby towns,” sabi ni Palami.
Sa unang linggo ng Abril ay sisimulan na ng Azkals ang pagkakarga ng mga relief goods para sa Tacloban City.
“We will distribute them ourselves. I also ask the fans for their support if they want to be part of this activity,” sabi pa ng team manager.