May nagsasabing suwerte lang daw ang B-Meg Derby Ace sa 98-90 overtime na panalong naitala nila kontra sa Smart Gilas Pilipinas noong Miyerkules.
Kasi nga raw ay nagtamo ng injury ang main man ng Smart Gilas Pilipinas na si Marcus Douthit, isang 6-11 sentrong kamakailan ay lumabas na ang naturalization papers bilang Filipino.
Sa third quarter ay natapilok si Douthit at inilabas ni coach Rajko Toroman. Hinalinhan siya ni Greg Slaughter na sinasabing hilaw pa sa posisyon bilang sentro. Pero tinapos ni Slaughter ang laro at muntik pa nga niyang maipanalo ang National sa regulation period.
Kapuna-puna ring hindi na ginamit ni Toroman si Japeth Aguilar na maituturing na isang mas seasoned player kaysa kay Slaughter. Katunayan, si Aguilar ay top pick sa PBA Draft noong 2009. Kumbaga’y nag-experiment na si Toroman nang mawala si Douthit.
Kaya suwerte “daw” ang B-Meg Derby Ace.
Siguro sa pananaw ng iba’y nakatsamba ang B-Meg Derby Ace.
Pero sa aking palagay ay pinaghirapan ng Llamados ang panalo. At sa aking palagay ay suwerte din ang nationals dahil hindi kumpleto ang line-up ng Llamados.
Biruin mo’ng anim na players ang hindi naglaro at patuloy na mami-miss ng Llamados dahil sa may injuries ang mga ito.
Kung ang isang tem ay may anim na injured payers, malamang na tambakan ito palagi ng kalaban.
Pero hindi ganoon ang Llamados.
Kahit na may alibi sila na matalo, hindi nila iyon ginagamit. Patuloy silang nagbibigay ng magandang laban.
Aba’y bago nila nakaharap ang Nationals ay muntik na rin nilang talunin ang kumpletong Meralco Bolts. Naungusan lang sila ng mga ito sa pamamagitan ng three-point shot ng import na si Chamberlain Oguchi sa endgame pero nilamangan nila ng sampung puntos ang Llamados at hindi lang nila na-maintain ito dahil nga sa kakulangan ng materyales.
Ang mga may injury sa B-Meg Derby Ace ay hindi naman basta-basta. Nandiyan ang two-time Most Valuable Player na si James Yap, ang point guard na si Jonas Villanueva, ang Rookie of the Year na si Rico Maierhofer at ang mga posteng sina Rafi Reavis, Don Carlos Allado at Jondan Salvador.
Pagsama-samahin ang mga numero ng anim na ito’y makikita ng lahat kung ano ang nami-miss ng B-Meg Derby Ace.
Subalit sa kabila nito ay nabigyan nila ng magandang laban ang Smart Gilas Pilipinas at nagwagi sila. Hindi iyon tsamba!
Ito’y patunay na kapado na ni coach George Gallent ang kanyang koponan at nagagawa naman niya ang tamang adjustments upang mapunan ang kanilang kawalan.
Katunayan, nakakatakot ngayon ang B-Meg Deby Ace. Kung ngayong kulang sila sa materyales ay lumalaban sila nang husto’t nananalo, paano pa kaya kapag nabuo na sila?