MANILA, Philippines - Nang mawala si American reinforcement LD Williams sa second period bunga ng Flagrant Foul Penalty 2 kay Mac Cardona, si pointguard LA Tenorio ang nagsilbing import ng Aces.
Kumolekta ang 5-foot-8 na si Tenorio ng career-high 33 points, 8 assists at 5 steals upang tulungan ang Alaska sa dramatikong 104-101 overtime victory kontra Meralco para solohin ang ikalawang puwesto sa elimination round ng 2011 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagdagdag naman si Joe Devance ng 19 points, 8 rebounds at 8 assists para sa 5-2 baraha ng Alaska sa ilalim ng Smart-Gilas (5-1), Talk ‘N Text (5-1) kasunod ang Barangay Ginebra (4-2), Rain or Shine (3-3), Derby Ace (3-4), Air21 (2-4), Meralco (2-5), Powerade (2-5) at San Miguel (1-5).
Matapos kunin ng Bolts ang 94-83 abante buhat sa three-point shot ni Nigerian-American import Champ Oguchi sa 3:11 ng fourth quarter, nagtuwang sina Tenorio, Cyrus Baguio at Sam Eman para idikit ang Aces sa 93-94 sa huling 32.9 segundo.
Naitulak ang extra period nang imintis ni Baguio ang ikalawa at huli niyang freethrow sa natitirang 0.3 segundo para sa 94-94 pagkakatabla.
Sa overtime period, tatlong sunod na basket ni Devance ang naglagay sa Alaska sa 100-96 may 2:28 ang nalalabing oras sa laro.