MANILA, Philippines - Matapos ang unang kabiguan ng Nationals, tatangkain naman ng Tropang Texters na masolo ang liderato kasabay ng paglapit sa inaasam na isa sa dalawang outright semifinals seat.
Sasagupain ng mainit na Talk 'N Text ang bumubulusok na San Miguel ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang labanan ng Alaska at Meralco sa alas-5 ng hapon sa elimination round ng 2011 PBA Commissioner's Cup sa Araneta Coliseum.
Kasalukuyang sumasakay ang Tropang Texters, nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup kontra Beermen, sa isang five-game winning streak.
Magkasalo sa unahan ang Smart-Gilas at ang Talk 'N Text sa magkatulad nilang 5-1 rekord kasunod ang Alaska (4-2), Barangay Ginebra (4-2), Rain or Shine (3-3), Derby Ace (3-4), Meralco (2-4), Air21 (2-4), Powerade (2-5), at San Miguel (1-5).
Mula sa kabiguan sa una nilang laro laban sa Nationals, limang sunod na panalo ang kinuha ng Tropang Texters ni Chot Reyes upang maging pinakamainit na koponan ngayon.
Nanggaling ang Talk 'N Text sa isang 85-80 paggupo sa Alaska noong nakaraang Sabado sa Cagayan De Oro City kung saan tumipa si import Paul Harris ng season-high 27 rebounds bukod pa ang kanyang 23 points.
Nasa isang four-game losing skid naman ang San Miguel ni Ato Agustin, nagmula sa 94-106 pagyukod sa Ginebra noong Marso 20, na napilitang palitan ang kanilang ikalawang import na si David Young para sa ipaparadang si Jason Davis.
Ang naturang produkto ng Sacramento State Hornets ay nagtala ng mga averages na 7.4 points at 4.3 rebounds sa kanyang 21 laro sa 2007-2008 season.
Sa paglalaro ni Davis sa Portugal, nagposte siya ng mga averages na 14.2 points, 4.8 rebounds at 1.8 assists per game at napili sa Portuguese League All-Star Game noong 2009.
Sa unang laro, target naman ng Bolts ni Ryan Gregorio ang kanilang pangatlong sunod na panalo matapos magsimula dala ang 0-4 baraha.
“Our team is showing great signs of life after being left for dead after a 0-4 start. Our back-to-back wins is an indication that we have not given up and we continue to fight for the last slot in the playoffs," ani Gregorio. "For as long as there are still games to be played, we will never stop competing."
Huling naging biktima ng Meralco ang Powerade, 111-88, noong Miyerkules.