2nd win hahatawin ng RnW Pacific Pipes vs Black Water

MANILA, Philippines - Patunayang isa sila sa dapat na katakutan sa liga ang pakay ng RnW Pacific Pipes sa pagbangga nila sa Black Water sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Sariwa ang bataan ng bagitong head coach na si Topex Robinson mula sa 76-72 panalo laban sa PC Gilmore na nangyari sa pagbubukas ng liga noong Marso 12.

“Makasaysayan na ito sa amin dahil kauna-una­hang team kami na na­nalo sa liga. Pero hindi kami dapat makontento at ang panalo ay nagpapatu­nay na palaban kami sa D-League,” wika ni coach Robinson.

Ang Cobra Energy Drink ay sinisipat ding lagukin ang 2-0 karta sa Group B laban sa Powerade sa ikalawang laro alas-4 ng hapon.

Papasok ang tropa ni coach Lawrence Chongson buhat sa 78-70 tagumpay sa Maynilad Water Dragon na nangyari rin sa unang araw ng kompetisyon at kung makukuha ay solong pangungunahan ang kani­lang grupo.

Si Paul Lee na gumawa ng 26 puntos ang siyang sasandalan uli ng Ironmen laban sa Powerade na bi­nubuo ng UP players at magbabalak na bumangon buhat sa 89-74 pagkakadurog sa FCA Cultivators.

Sasandal naman si Ro­binson sa mga beteranong sina Jim Viray at Vic Manuel para igiya ang koponan sa pangalawang dikit na panalo at makasalo sa liderato sa Group A na kasalukuyang hawak ng Pharex Bidang Generix.

Show comments