MANILA, Philippines - Dinungisan ng Pharex ang mataas na respeto sa NLEX Road Warriors matapos iuwi ang 79-74 panalo sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan .
Hindi nawala ang tiwala ng Bidang Generix nang nakaabante sa 60-59 ang Road Warriors sa pagtatapos ng ikatlong yugto nang gamitan nila ng matibay na depensa ang kalaban kasabay ng pag-iinit uli ng opensa sa pangunguna ni Jeff Morial.
Isang jumper ang ginawa ni Morial na nagbigay ng kalamangan sa koponan bago inilayo pa niaa Edwin Asoro at Leomer Losentes ang Bidang Generix sa isang tip-in at dalawang free throws para sa 77-72 bentahe.
“Maganda ang rebounding namin at kapag ganito ang naipapakita naming, kadalasan ay nananalo kami,” wika ni Pharex coach Carlo Gian Tan.
May 16 puntos, 9 rebounds at 2 assists si Morial para ibigay sa Pharex ang ikalawang sunod na panalo at ipatikim naman sa Road Warriors ang unang kabiguan sa dalawang laro sa Group A
Lumabas naman ang tunay na kalidad ng Maynilad Water Dragons sa pamamagitan ng 82-61 pagdurog sa Max! Super Glue sa unang laro.
May 22 puntos si Garvo Lanete, si Sudan Daniel ay naghatid ng 19 habang sina Jake Pascual at Jess Villahermosa ay nagtambal sa 22 puntos para sa Maynilad.
Sina Reil Cervantes at Jun Jun Cabatu ay naghatid ng 21 at 13 puntos pero ang ibang kasapi sa pangunguna ng beterano sa ABL na si Rudy Lingganay ay nalimitahan sa pagpuntos dahilan upang hindi na nakabangon matapos layuan ng Water Dragons, 24-9, sa kaagahan ng labanan.
Ang panalo ay una matapos lumasap ng 70-78 kabiguan ang Maynila sa Cobra Energy Drink habang unang kabiguan naman ang tinamo ng debutanteng Max! Super Glue.