Azkals kumpiyansang sasagupa sa Myanmar
MANILA, Philippines - Bagamat nanggaling sa isang 1-2 kabiguan sa Blue Wolves ng Mongolia noong Marso 15 sa Ulan Bator, Mongolia, kumpiyansang haharap ang Philippine men’s football team na Azkals sa White Angels ng Myanmar.
Magsusukatan ngayong araw ang Azkals at ang White Angels sa Rangoon, Myanmar para sa group stage ng 2011 AFC Challenge Cup.
Hindi sapat ang 2-1 tagumpay ng Blue Wolves sa second leg ng kanilang qualifying stage ng Azkals para makapasok sa group stage.
Nauna nang binigo ng Azkals ang Blue Wolves, 2-0, sa first leg noong Pebrero 9 sa Panaad Stadium sa Bacolod City para kunin ang 3-2 aggregate goal patungo sa group stage ng torneo.
Hindi nakalaro si Fil-Briton goalie Neil Etheridge sa nasabing dalawang laban ng Azkals sa Blue Wolves dahilan sa pagsabak nito sa English Premier League para sa koponan ng Fulham FC.
Nakatakdang dumating ang 21-anyos at 6-foot-3 na si Etheridge sa Rangoon, Myanmar kahapon.
Si Eduard Sacapano ang naging goalie ng Azkals sa kanilang dalawang beses na paghaharap ng Blue Wolves.
Hindi naman makikita sa aksyon si Fil-Briton striker Phil Younghusband dahilan sa natamo nitong hamstring injury.
Para sa nabakanteng posisyon ni Younghusband, kinuha ni German coach Hans Michael Weiss sina Fil-Briton Rob Gier, Fil-German Patrick Hinrichsen at Fil-Dannish Jerry Lucena.
Maglalaro rin para sa Azkals sina Fil-Spanish Angel Aldeguer Guirado, isang striker mula sa Cordoba at Estepona sa Division II, at Deportivo Ronda ng Division III sa Spanish league.
“I think this is our strongest team possible,” wika ni team manager Dan Palami
Matapos ang Myanmar, makakalaban naman ng mga Filipino booters ang Palestine sa Miyerkules at ang Bangladesh sa Biyernes na pawang mga lalaruin sa Rangoo, Myanmar.
Kung mananalo ng dalawa sa kanilang tatlong asignatura kontra Myanmar, Bangladesh at Palestine, aabante ang Azkals sa ‘elite eight’ ng AFC Challenge Cup sa susunod na taon.
Bago sumabak sa 2011 AFC Challenge Cup, natalo muna ang Azkals sa Indonesia, 0-1, sa semifinal round ng 2010 AFF Suzuki Cup noong Disyembre.
Nagharap na ang Azkals at ang White Angels ng Myanmar sa isang scoreless draw noong Disyembre sa pagtatapos ng 2010 Suzuki Cup group stage sa Vietnam.
- Latest
- Trending