Kings itatagay ang kanilang win no. 3
MANILA, Philippines - Sinasakyan ang isang two-game winning streak,hangad ng Gin Kings na masolo ang ikatlong puwesto.
Sasagupain ng Barangay GInebra ang bumubulusok na San Miguel ngayong alas-6:30 ng gabi sa elimination round ng 2011 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Maghaharap naman sa unang laro sa alas-4 ng hapon ang Rain or Shine at Air21.
Tinalo ng Gin Kings ang Express, 99-86, at Powerade Tigers, 107-92.
“We’re still not playing well. Hopefully, we can get there as we play San Miguel, Rain or Shine and Talk ‘N Text. Mabigat ‘yung stretch na ‘yon,” sabi ni coach Jong Uichico sa Ginebra.
Tangan ng Smart-Gilas Pilipinas ang liderato sa kanilang matayog na 5-0 kartada kasunod ang Alaska (4-1), Talk 'N Text (4-1), Ginebra (3-2), Rain or Shine (3-2), Derby Ace (2-4), Powerade (2-4), Air21 (1-3), San Miguel (1-4) at Meralco (1-4).
Muling ibabandera ng Gin Kings ni Uichico sina import Nate Brumfield, Mark Caguioa, Willie Miller, Ronald Tubid at Rico Villanueva.
Itatapat naman ng Beermen ni Ato Agustin sina import David Young, Jay Washington, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Rabeh Al-Hussaini at Nonoy Baclao.
Kasalukuyang nasa isang three-game losing slump ang San Miguel, natalo sa Talk ‘N Text sa nakaraang PBA Philippine Cup championship series.
Huling natalo ang Beermen sa Tigers, 91-98, noong Marso 16.
Sa unang laban, pipilitin naman ng Elasto Painters ni Yeng Guiao na pigilan ang kanilang dalawang sunod na kamalasan sa pakikipagsagupa sa talunan ring Express ni Bong Ramos.
Matapos magposte ng mataas na 3-0 baraha, dalawang sunod na kabiguan ang natikman ng Rain or Shine, kasama na rito ang 94-99 pagyukod sa Smart-Gilas noong Biyernes.
Apat na sunod na kabiguan naman ang pagmumulan ng Air21.
Huling nanalo ang Express, pinanggalingan nina Guiao, Al-Hussaini at Baclao, sa Beermen, 92-87, noong Pebrero 25.
At matapos ito ay apat na sunod na kamalasan ang nalasap ng Air21.
- Latest
- Trending