MANILA, Philippines - Sa muling pagbubuklod ng kanyang pamilya, ang pagbibigay sa kanyang kuyang si Glenn “The Filipino Bomber” Donaire ang prayoridad ngayon ni world bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
Ang paggiging mga world champions nina Nonito at Glenn ang siyang pinangarap ng kanilang father/trainer na si Nonito “Mang Dodong” Donaire, Sr.
“Ang main focus namin right now is to get my brother a fight,” sabi ni Donaire sa kanyang kuya na kasalukuyang nag-eensayo sa United States. “Ang importante naman is we’re really, really connected. We’re really becoming a whole family.”
Matatandaang nagkaroon ng sigalot ang pamilya Donaire ukol sa usapan sa pera at relasyon ni Mang Dodong sa kasintahan ni Donaire na si Rachel Marcial.
Tangan ng 32-anyos na light flyweight na si Glenn ang 17-4-1 win-loss-draw ring record kasama ang 9 KOs.
Huli siyang lumaban noong Hulyo 12, 2008 kung saan siya natalo kay Ulises Solis via unanimous decision para sa International Boxing Federation (IBF) lighty flyweight title ng Mexican sa Sonora, Mexico.
Inagaw naman ni Donaire ang mga suot na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight belts ni Mexican Fernando Montiel via second-round TKO noong Pebrero 19 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Isang unification fight ang inaasahan ng 28-anyos na tubong Talibon, Bohol sa kanyang mga plano.
Si Donaire, dating naghari sa flyweight division ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO), ay may 26-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs
Maliban kay Anselmo Moreno ng Panama (30-1-1, 10 KOs), ang iba pang maaaring makalaban ni Doinaire para sa isang unification fight ay sina Mexican-born IBO at WBC silver belt king Abner Mares (21-0-1, 13 KOs) at African two-time IBF champion Joseph Agbeko (28-2, 22 KOs).