Patrombon nasilat sa korona
MANILA, Philippines - Kumulapso ang paglalaro ni Jeson Patrombon sa finals laban kay Sean Berman ng USA para lasapin ang 6-0, 6-2, kabiguan at makahulagpos ang pakay na titulo sa Chang LTAT-ITF Tennis Championship sa Nonthaburi, Thailand.
Naramdaman ng 17-anyos na tubong Iligan City na tenista ang kapaguran dala ng tatlong matitinding laban para makausad sa finals upang mawalan ito ng lakas na sabayan ang inspiradong paglalaro ng sixth seed na karibal.
“Jeson gave his best but his legs are not there today. He is one step behind in every rally,” ani coach Manny Tecson.
Bigo man sa puntiryang titulo, magkakaroon naman ng karagdagang puntos ang top seed sa torneo para mapag-ibayo ang kasalukuyang 10th ranked sa mundo. Tumulak na ang kampo ni Patrombon patungong Kuching, Malaysia para mapaghandaan ang 17th Sarawak Chief Minister Cup na itinakda mula Marso 15 hanggang 20.
Inaasahang si Patrombon pa rin ang lalabas na top seed sa kompetisyon na katatampukan din ng paglalaro ni Filipina netter Marinel Rudas na sasalang muna sa qualifying event para madetermina kung makakapasok ba o hindi sa main draw sa kanyang dibisyon.
- Latest
- Trending