MANILA, Philippines - Hinakot ng mga banyagang mananakbo mula sa bansang Kenya ang mga tropeo sa ginanap na DZMM Takbo Para Sa Karunungan kahapon (Mar 13) sa Quirino Grandstand sa Maynila, kung saan tinatayang 4,000 ang lumahok.
Ang 24-anyos na si Josphat Kiptanui ang nag-uwi ng pinakamalaking premyo matapos tapusin ang 25km race sa loob lamang ng 1 oras, 19 minuto at 53 segundo (01:19:53). Samantalang ang Pinay na si Joan Banayag (01:44:43) naman ang nanguna sa mga babae.
Sa 10km race para sa lalaki, mga kababayan din ni Kiptanui ang nanaig. Sina 3rd-placer Stanley Ting (31:45), 2nd placer James Talcam (31:41), at 1st placer Eliud Kering (31:15). Kenyan din ang nauna sa 10km race para sa babae. Sina Peris Poywo (41:43) at Irine Kipchumba (39:59) ang numero dos at uno, samantalang pumapangatlo ang Pinay na si Janette Agura (43:11).
Ito ang ika-12 na taon ng fun run ng DZMM na nagdiriwang din ng ika-25 anibersaryo nito ngayong 2011. Ilan sa kilalang personalidad na nakilahok sina ABS-CBN Chairman Eugenio “Gabby” Lopez III, ABS-CBN Manila Radio Division Head Peter Musngi, dating Vice-President Noli “Kabayan” De Castro, at ang artistang si Karylle. Dumaan din ang alkalde ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim upang magbigay ng suporta.