MANILA, Philippines - Bagamat may kontrata pa siya sa Alaska hanggang sa Agosto, ay pinayagan na nina coach Tim Cone at team manager Joaqui Trillo si Topex Robinson na tanggapin ang coaching job sa RnW Pacific Pipes sa 2011 PBA D-League Foundation Cup.
“Coach Tim Cone is also excited and he said he that I have a good shot of being a coach. He gave me an assurance that he will help me out and I know I can learn a lot from him,” sabi ni Robinson.
Bagamat pinayagan siyang mag-coach sa D-League, inilagay naman siya ni Cone sa coaching staff ng Aces sa kasalukuyang 2011 PBA Commissioner’s Cup.
Ang 31-anyos na tubong Olongapo City, Zambales ay produkto ng San Sebastian College-Recoletos sa NCAA.
Matapos ang 2008 PBA season, pinakawalan ang 5-foot-7 na point guard ng Barako Bull kasama sina Mark Andaya at Paolo Bugia bago siya nahugot ng Purefoods.
Sa 2010 PBA Fiesta Conference, kinuha siya ni Cone at ng Alaska bilang isang defensive guard katuwang ni LA Tenorio.
“Excited ako kasi it’s a new challenge for me. I’ve been blessed to play in the PBA for eight years,” sabi ni Robinbson sa kanyang unang coaching job. “It is an opportunity for me to partake whatever I learned from the years that I’ve played in the PBA to the aspiring PBA players that I’m gonna be coaching.”
Bilang player ni Cone, inaasahang gagamitin ni Robinson ang pamosong ‘triangle offense’ ng Alaska para sa RnW Pacific Pipes.
“I believe in the triangle (offense). Alaska has been successful using that kind of offense. So whatever I learned from coach I will also use it in my team.”