ORLANDO, Florida - Humakot si Dwight Howard ng 30 points at 16 rebounds, habang nagtala si Jameer Nelson ng 23 sa kanyang 26 points sa second half upang tulungan ang Orlando Magic sa 116-110 panalo kontra New York Knicks.
Humabol ang Magic mula sa isang 47-58 agwat sa halftime para ungusan ang Knicks sa second half.
Ito ang pangatlong sunod na panalo ng Orlando at ikalawa naman laban sa Knicks ngayong season.
May 2-2 win-loss record ngayon ang New York sapul nang mahugot sina All-Star Carmelo Anthony at Chauncey Billups.
Pinangunahan nina Amare Stoudemire at Billups ang Knicks sa magkatulad nilang 30 points kasunod ang 25 ni Anthony.
Sa Philadelphia, umiskor si Jason Terry ng 30 points, habang naglista si Jason Kidd ng triple-double para sa ikapitong sunod na panalo ng Dallas Mavericks mula sa 101-93 paggupo sa Philadelphia 76ers.
Nagdagdag si Dirk Nowitzki ng 22 points para sa Mavericks, habang nagposte si Kidd ng 13 points, 13 assists at 10 rebounds.
Sa Minneapolis, nagdomina sina Pau Gasol at Andrew Bynum upang igiya ang Los Angeles Lakers sa 90-79 paggupo sa Minnesota Timberwolves.
Naglista si Gasol ng 17 rebounds at 12 points, habang may 14 points at 7 boards si Bynum para sa Lakers.
Sa Memphis, nagtulong sina Darrell Arthur at Zach Randolph sa opensa ng kapwa tumapyas ng tig-21 puntos upang ihatid ang Grizzlies sa 109-93 pananaig laban sa San Antonio Spurs.
Nagdagdag si Tony Allen ng 20 puntos, sumablay lamang ito ng isang tangka mula sa kanyang siyam na tira.
Sa Indianapolis, tumapos si Danny Granger ng 27 puntos, ipinasok ang lahat ng kanyang 16 freethrows ang naging tulay upang itakas ang Pacers sa 109-100 panalo laban sa Golden State Warriors.
Naglista naman si Darren Collison ng 11 puntos para sa Indiana, walo nito sa third quarter kung saan nalimita ng Pacers ang Warriors, 37-26 sa opensa.
Sa iba pang resulta, nanalo ang Toronto sa New Orleans, 96-90.