Aces vs Tigers; Elasto Painters kontra Llamados sa buwenamanong panalo

MANILA, Philippines - Matapos ang Gin Kings, Aces, Tigers, Llamados at Elasto Painters naman ang magpipilit makapaglista ng kani-kanilang unang pa­nalo sa 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup.

Magtatagpo ang Alaska at Powerade ngayong alas-5 ng hapon, habang magkikita ang Derby Ace at Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi sa Cuneta Astrodo­me sa Pasay City.

Mula sa 32 points, 11 rebounds at 8 assists ni import Nate Brumfield, tinalo ng Barangay Ginebra ang Meralco, 115-98, noong nakaraang Biyernes sa pagbubukas ng torneo sa Ilo­cos Norte Centennial Arena sa Laoag City.

Ipaparada ng Aces si Larry Demetrius “LD” Williams ng Wake Forrest, pi­nagmulan ni San Antonio Spurs’ superstar Tim Duncan, habang itatapat naman ng Tigers si Russell Carter ng Notre Dame University.

Itatampok naman ng Elasto Painters si NBA ve­teran Hassan Adams kontra kay Robert Brown, Jr., papalitan rin ni Sharami Spears.

“Si Hassan Adams, hindi siya ‘yung spectacular na import pero very effective, matalinong import,” ani Yeng Guiao, bagong coach ng Rain or Shine, sa 6-foot-3 na si Adams na naglaro sa NBA para sa New Jersey Nets at Toronto Raptors. “All-around siya, He can score, he can defend.”

Nakita na rin ni Guiao ang pagiging ‘team player’ ni Adams sa kanilang ilang tune-up games.

Maliban kay Adams, ibabandera rin ng Elasto Painters sina Ronjay Bue­nafe at Beau Belga, nanggaling sa Air21 at Meralco, ayon sa pagkakasunod, matapos ang ilang trade deals kasabay ng pagdadala kay Sol Mercado sa Meralco at Jay-R Reyes sa Air21.

Itatapat naman ng Llamados ni Jorge Gallent sina Brown, James Yap, Marc Pingris, PJ Simon, Roger Yap, Nino Canaleta at Rico Maierhofer.

Show comments