Pinoy cue artists nanalasa sa UAE
MANILA, Philippines - Pitong cue-artist ng bansa ang nagtagumpay sa unang laban sa group stage sa World 8-Ball Pool Championship sa Fujairah Expo Center, United Arab Emirates.
Pinakamainit na panalo ang kinuha ni Antonio Lining nang hindi niya paiskorin sa race to seven, alternate break format ang nakalabang kababayang si Joyme Vincente,7-0, sa labanan sa Group 3.
Nakasama sa mga umusad sina Efren “Bata” Reyes, Dennis Orcollo, Francisco “Django” Bustamante, Lee Van Corteza, Roberto Gomez at Jovel Alba.
Tinalo ni Reyes si Shaker Wahdaw, 7-3, habang si Orcollo ay humirit din ng 7-3 iskor kay Mazen Berjawi sa Group II.
Si Bustamante ay may 7-4 panalo kay Carlos Cabello sa Group II; si Lee Van Corteza ay nanaig kay Tomoo Tanako, 7-5, sa group 10; si Gomez ay tinumbok si Chris Melling, 7-6, sa group 11 at si Alba ay may Sascha Andrej Tege, 7-5, sa group 4.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng pitong bilyarista ng bansa para umusad sa main draw at sina Reyes at Orcollo ang maglalaban sa isang puwesto sa kanilang grupo.
Kalaban ni Bustamante si Daryl Peach; si Corteza ay sasagupa kay Mehdi Rasheki; si Gomez ay haharap kay Ralf Souquet at si Alba ay masusukat kay Po Cheng Kuo.
Double elimination ang magaganap sa group elimination upang madetermina ang tig-dalawang bilyarista na uusad sa main draw mula sa winner’s at loser’s bracket.
Hindi naman pinalad sina Joven Bustamante, Paul Ortega, Jeff De Luna, Allan Cuartero, matapos matalo sa unang laban.
Kailangang manalo sila sa dalawang laro sa loser’s bracket para makaabante.
Patuloy pa ring kumakampanya sina Ronato Alcano, Ramil Gallego, Rodolfo Luat, Vicenancio Tanio, Manuel Gama at Elvis Calasang.
Umabot sa 112 manlalaro ang hinati sa 14 na grupo na kinabibilanganan ng walong manlalaro at ang 56 cue artists ay aabante sa single elimination na kung saan ang tagisan mula sa first round hanggang sa semifinals ay inilagay sa race to 9 winner’s break format.
Ang finals ay paglalabanan naman sa isang race to 11.
May kabuuang $204,200 ang itinaya sa kompetisyong magtatagal hanggang Pebrero 26 at ang tatanghaling kampeon ay mag-uuwi ng $40,000 at $25,000 naman ang mapupunta sa natalong manlalaro.
Inumpisahan ang kompetisyon noong 2004, dalawang Pinoy na sina Reyes at Alcano ang hinirang na kampeon sa torneo nang angkinin ng una ang inisyal na edisyon ng torneo at ang huli ang siya namang nagdomina noong 2007.
- Latest
- Trending