MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kakayahan na manalo sa pamamagitan ng knockout si Nonito Donaire Jr. isang araw bago harapin si Fernando Montiel para sa kanyang WBC/WBO bantamweight titles.
Ang laban na itinaguriang “Ang Pagtutuos” ay gagawin sa Mandalay Bay Resorts and Casino at pilit na pangangatawanan ng “The Filipino Flush” ang kanyang pagiging paborito sa nagdedepensang kampeon na si Montiel.
“I want to knockout Montiel,” wika ni Donaire na nais na makuha ang ikalawang lehitimong titulo matapos mapagharian ang IBF flyweight title noong 2007.
Paniwala rin ni Donaire na magiging maaksyon ang sagupaan dahil gaya niya ay gusto rin siyang patumbahin ni Montiel na kampeon ng bantamweight sapul pa noong Marso 28, 2009 nang manalo kay Diego Oscar Silva.
“It’s going to be such a good fight because we want to tear each other’s head,” dagdag pa ni Donaire na nagsanay nang husto sa ilalim ni trainer Robert Garcia.
Ang mainit na aksyon ay hindi makakalagpas sa mga mahihilig sa boksing sa bansa dahil ipapalabas ito sa ABS-CBN Channel 2 mula ika-10:15 ng umaga.
Tinaguriang ‘Ang Pagtutuos’, si Montiel ay papasok sa laban tangan ang 44 panalo, 2 tabla at 2 talo habang may 25-1 panalo talo karta si Donaire.
Maliban kay Donaire ay sasalang din si Mark Jason Melligen sa aksyon laban kay Gabriel Martinez ng Mexico at nais ng dating pambato ng amateur boxing na madugtungan ang apat na panalo na nailista mula 2010 kapag ang laban ay ginaganap sa Las Vegas.
Magkakaroon naman ng replay ang nasabing boxing event na handog ng Top Rank sa gabi sa Studio 23 ganap na alas-9 ng gabi.