Kings vs Bolts sa opening salvo ng PBA Commissioner's Cup sa Laoag
MANILA, Philippines - Tampok ang kanilang mga imports, bubuksan ng Barangay Ginebra at Meralco ang 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup ngayong alas-5 ng hapon sa Ilocos Norte Centennial Arena sa Laoag City.
Ipaparada ng Gin Kings si Nate Brumfield, samantalang itatapat naman ng Bolts si Tony Dandridge, ang 2009 US NCAA slam dunk champion.
“Nine games lang ang eliminations, kailangan maganda agad ang pakita,” sabi ni Ginebra head coach Jong Uichico. “Kaya nga ang target lahat ng teams is to be in the top two, and not the bottom four kasi eliminated ka agad.”
Ang 6-foot-3 na si Brumfield, dating Oklahoma Baptist University star, ay nanggaling sa pagkampanya sa Mexican league kung saan siya nagtumpok ng averages na 14.5 points per game.
Makakatuwang ni Brumfield sa Gin Kings sina Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Eric Menk, Ronald Tubid, Rico Villanueva at JC Intal.
Ang slam dunk king namang si Dandridge ng New Mexico University ay naglaro sa Lebanese Basketball League at naglista ng second-best 28.0 points per game average sa ilalim ni Lebanon national team scorer Fadi El Khatib.
Ngunit maliban sa pagkuha kay Dandridge, naging aktibo rin ang Meralco sa off-season.
Nahugot ng Bolts ni Ryan Gregorio sina Sol Mercado, Ren-Ren Ritualo Jr., Reynel Hugnatan at Erick Rodriguez at muling kinuha si 6’8 Marlou Aquino sa free agency market.
“It’s like starting from scratch again,” sambit ni Gregorio sa Meralco. “We just have to fast-track the whole process of trying to assimilate to our new players to our system and hope it’s enough.”
Makakasabayan nina Mercado, nagmula sa Rain or Shine, Ritualo, Hugnatan, Rodriguez at Aquino sa Bolts sina Asi Taulava, Bitoy Omolon, Chris Ross at Gabby Espinas.
Nakatakda namang magharap sa Pebrero 23 ang Alaska at Powerade sa ganap na alas-5 ng hapon kasunod ang laban ng Rain or Shine at Derby Ace sa alas-7:30 ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
- Latest
- Trending