Pagulayan bumandera sa US pool tourney

MANILA, Philippines - Kinuha ni Alex “The Lion” Pagulayan ang ikala­wang panalo sa taong ito nang mapagharian ang 15th Annual Jay Swanson Memorial Tournament sa Hardtimes Billiards sa Belflower, California.

Nilaro ang kompetisyon noong Pebrero 12 at 13, du­maan sa butas ng karayom si Pagulayan sa mga laban kina Tommy Tokoph, Max Eberle at Mitch Ellerman na siya niyang tinalo sa race to seven finals.

Umabot sa 192 manla­laro ang sumali sa kompe­tisyon na inialay para sa da­ting manlalaro ng Southern California na si Jay Swanson na namaalam noong Hunyo, 1996.

Tinalo ni Pagulayan si Tokoph sa pamamagitan ng 7-6 iskor, si Eberle ay nadale din niya sa kaparehong iskor nang maipasok ng Filipino cue artist ang ma­hirap na pa-bandang tira sa 5-ball.

Sa finals ay si Ellerman ang siya niyang kinaharap at dito lumabas ang kanyang bangis sa pamamagitan ng 11-6 tagumpay.

Halagang $3000 ang napanalunan ni Pagulayan habang si Ellerman ay nagtapos taglay ang gantim­palang $1,500. Si Max Eberle ay nanalo ng $1000 at si Tokoph ay nag-uwi ng $750.

Ang tagumpay ay ikala­wa ni Pagulayan sa taong ito matapos manalo sa Derby City Classic Banks Division noong Enero at nagkahalaga ito ng $10,000.

Ito ang ikapitong torneo ni Pagulayan sa 2011 at nakakabig na siya ng $18,860 para mahigitan ang kinita na naitala sa huling dalawang taon.

Pumalo lamang sa $8,200 ang napanalunang premyo nito noong 2010 habang $13,175 naman ang nakuha ni Pagulayan noong 2009.

Sa kasalukuyan si Pa­gulayan ay pumapangalawa sa money list kasunod ni Shane Van Boening ng USA na mayroong $39,000 gantimpala na.

Show comments