MANILA, Philippines - Malaki ang maitutulong ni naturalization candidate Marcus Douthit sa kampanya ng mga national teams na isasabak sa mga international basketball competitions.
Ito ang sinabi kahapon ni Smart Gilas Serbian coach Rajko Toroman matapos ihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ang pirma na lamang ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kailangan para sa naturalization papers ng 6-foot-10 na si Douthit.
“It’s great for Philippine basketball,” ani Toroman. “The national will be very competitive with a big player like Marcus (Douthit) for the next four to five years.”
Matatandaang hindi napirmahan ni Presidente Aquino ang naturang naturalization documents ni Douthit bago ang nakaraang 16th Asian Games sa Guangzhou, China noong Nobyembre ng 2010.
Tumapos ang Smart Gilas bilang sixth-placer sa 2010 Guanghou Asiad sa kabila ng pagparada kina Asi Taulava at Sol Mercado ng Meralco at Kelly Williams ng Talk ‘N Text.
Nakatakdang lumahok ang Smart Gilas sa 2011 FIBA-Asia Men’s Championships sa Wuhan, China sa Setyembre na siyang qualifying tournament patungo sa 2012 Olympic Games sa London.
“He’s been practicing and training really hard to stay in good shape for the PBA and in the long run will benefit basketball in the Philippines,” dagdag ni Serbian mentor kay Douthit, isang draftee ng Los Angeles Lakers.
Sinabi naman ni SBP executive director Noli Eala na mayroon pang hanggang Marso 11 ang Pangulong Aquino para pirmahan ang Douthit Bill, mas kilala bilang House Bill 2307.