MOSCOW, Russia--Sa pag-atras ni Filipino GM Wesley So sa main tournament dahilan sa sobrang kapaguran at ang kabiguan naman ni GM John Paul Gomez, iwinagayway naman ni GM Darwin Laylo ang watawat ng bansa sa 2011 Aeroflot Open chess championship.
Tinalo ni Laylo si Bayarsiakhan Gundavaa ng Mongolia para itulak ang isang four-way tie sa top spot sa sixth round ng torneo.
Ang 30-anyos na tubong Lipa City na nakuha ang kanyang GM title noong 2007, ay tumabla kina GM Dorian Rogozenco ng Romania, GM Tigran Kotanjian ng Armenia at GM Wen Yang ng China sa magkatulad nilang 5.0 points.
Tinalo naman ni Rogozenco si Gomez para sa kauna-unahang kabiguan ng pambato ng Biñan, Laguna.
Pinayukod ni Kotanjian si GM Zhao Xue ng China at tinalo ni Wen si GM Alexei Gavrilov ng Russia sa iba pang laro sa sixth-round matches para makasalo sa unahan sina Laylo at Rogozenco.
Nahulog si Gomez sa tie para sa fifth hanggang tenth places sa kanyang 4.5 points.