MANILA, Philippines - Bukod sa Philippine Davis Cup team ay pursi-gido ring naghahanda ang Junior Davis Cuppers na magtatangkang bumangon buhat sa kinalulugarang Asia-Oceania pre-qualifying bracket.
Nalaglag sa grupong ito ang Pilipinas nang lumagay sa ika-15th at 16th place noong nakaraang taon sa Anquing, China.
Aabot sa 12 koponan ang maglalaban-laban sa torneong ito na gagawin sa Sri Lanka mula Pebrero 21 hanggang 25 at tatlong manlalaro ang sasandalan ng Pilipinas para makaangat sa 16-team qualifying stage sa India sa Abril.
Minamandohan ni coach Roland Kraut, ang maglalaro sa Pilipinas ay sina Jurence Mendoza, Jacob Lagman at Kyle Joseph.
Ang 14-anyos na si Mendoza ay kasapi ng nagdaang taong koponan habang baguhan naman sina 15-anyos Jacob Lagman at 14-anyos Kyle Joseph.
Sa murang edad ay beterano na si Mendoza at noong nakaraang Disyembre ay hinirang na kampeon sa Phinma ITF Tennis Championship Week 2 na ginanap sa Rizal Memorial Tennis Center.
Kailangan ng Pilipinas na mapasama sa unang tatlong bansa sa pre-qualifying tournament para makasama sa qualifying stage na bubuuin ng 16 na bansa.
Ang mangungunang apat na koponan sa qualifying stage ay magkakaroon naman ng pagkakataon na maglaro sa World Group sa Setyembre.