Air21 import bagsak sa drug testing, pinauwi na
MANILA, Philippines – Bukod sa pagbagsak sa drug testing, hindi rin ang tipo ng isang import ang nakikita ng Air21 kay Jajuan Smith para sa darating na 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup na nakatakda sa Pebrero 18.
Sa 89-109 kabiguan ng Express sa Derby Ace Llamados sa kanilang tune-up game kahapon, umiskor si Smith ng 11 points at hindi na nakaporma sa kabuuan ng fourth quarter.
“Papalitan namin. We have several choices. We will be making decision agad,” wika ni team manager Allan Gregorio kay Smith, naglaro para sa Tulsa 66ers sa National Basketball Development League (NBDL) kung saan siya nagtala ng mga averages na 9.7 points, 3.3 rebounds at 2.3 assists.
Ang 6-foot-1 15/16 na produkto ng University of Tennessee, pinakamaliit sa hanay ng mga PBA imports, ay nakitaan ng ‘traces of marijuana’ para sa kanyang drug test requirement mula sa Games and Amusement Board (GAB).
Ang GAB ang nagbibigay ng lisensya sa lahat ng professional sports sa bansa.
Ayon kay Gregorio, hindi na rin nila mahihintay ang paglilinis ni Smith sa kanyang sistema sa loob ng dalawang linggo kagaya ng direktiba ng GAB.
“It’s a short conference so we don’t want to risk waiting for him to get a license anymore even if he passes the second test,” ani Gregorio.
Unang makakaharap ng Air21 ang San Miguel sa Pebrero 25 sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nauna nang pinauwi ng Alaska si Eddie Basden nang hindi makapasa sa 6’4 height limit para sa mga imports. Si Basden ay pinalitan na ni 6’3 5/8 Larry Demetrius “LD” Williams.
Ang iba pang reinforcements na ipaparada ng kanilang mga koponan ay sina Nathan Brumfield (6’3) ng Ginebra, Paul Harris (6’3 3/8) ng Talk ‘N Text, Russell Carter (6’3 3/4) ng Powerade, Hassan Adams (6’3 5/16) ng Rain or Shine, Robert Brown (6’2 5/16) ng Derby Ace at Ira Brown (6’4) ng San Miguel.
- Latest
- Trending