Dapat siguro’y hindi na lang nagmadaling pumanhik sa Philippine Basketball Association itong si Borgie Hermida na ngayon ay isa sa 16 na manlalarong ang career ay nakabitin matapos na payagan na mag-leave of absence ang Barako Bull at hindi mapili sa expansion draft.
Dalawa lang sa 18 players ang napili sa expansion Draft na ginanap noong Lunes. Nabalik sa line-up ng San Miguel Beer si Lordy Tugade samantalang pinulot naman ng B-Meg Derby Ace ang point guard na si Pong Escobal.
Sina Tugade at Escobal ay lalaro lang sa teams na pumulot sa kanila sa second conference at babalik sa Barako Bul sa third conference. Ito’y kung babalik din ang Barako Bull. Eh, paano kung mag-leave of absence hanggang sa dulo na ng season?
Bukod kay Hermida, dalawang iba pang rookies ng Barako Bull ang nalagay sa balag ng alanganin at ito’y sina Khasim Mirza at Vaugh Canta.
At mga beteranong hindi nakuha sa dispersal draft ay sina Marlou Aquino, Jojo Duncil, Rob Wainwright, Dennis Daa, Chad Alonzo, Richard Yee, Marvin Cruz, Ken Bono, Paolo Hubalde, Aris Dimaunahan, Mark Andaya, Bruce Viray at Jason Misolas.
Kaya naman natin na-single out itong si Hermida ay dahil sa colorful at successful ang basketball experience nito bago nag-apply sa PBA. Labing-anim na taon siyang naglaro sa San Beda College. Ito’y mula elementary, high schol hanggang college.
Isa siya sa malaking dahilan kung bakit nabawi ng Red Lions ang kampeonato buhat sa San Sebastian Stags sa nakaraang basketball tournament ng National Collegiate Athletic Association (NCAA). Noon kasing 2009 ay nagtamo ito ng injury at pahapyaw lang naglaro sa San Beda kung kaya’t na-dehtrone ng Stags ang Red Lions.
Hindi pa man natatapos ang 2010-11 NCAA basketball season ay nag-apply na sa PBA Draft si Hermida. Allowed naman iyon basta’t hindi pipirma ang isang active NCAA player at hindi makikipag-ensayo sa team na pipili sa kanya.
Well, si Hermida ay pinili ng Barako Bull. Pero hindi nga agad ito sumapi sa Energy Boosters dahil tinapos muna niya ang stint sa San Beda na nagkampeon. Pagkatapos ng selebrasyon, dun palang siya naglaro sa Barako Bull. At ilang games nga lang ang nilaro niya dahil sa late addition na siya sa team.
Kaya naman hindi siya masyadong nabigyan ng exposure ni coach Edmundo “Junel” Baculi. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na mahinog man lang kahit na kaunti.
At iyon ang nakapanghihinayang. Biruin mong hindi pa nga lumalabas ang kanyang potential sa professional level ay nabinbin na kaagad ang kanyang career.
Sa toto lang, puwede naman siyang ampunin ng alinman sa Talk N Text o Meralco Bolts na kapwa pag-aari ni Manny V. Pangilinan na siyang manager ng San Beda Red Lions.
Pero hindi rin ito garantiya na mailalagay siya sa active list. Kasi kumpleto ang line-up ng dalawang teams na ito. Magiging practice player lang siya malamang. Hindi din niya maitutuloy ang kanyang pro career.
Malamang na maghintay na lang si Hermida hanggang matapos ang kasalukuyang season at baka sakaling mabigyan siya ng break sa susunod na taon. Meanwhile, baka maglaro muna siya sa PBA Developmental League kung saan maipakikita niya ang kanyang potential.