MANILA, Philippines - Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang mga balitang ililipat ang 2011 Palarong Pambansa na ibinigay na sa Dapitan City sa Zamboanga del Norte.
Ayon kay DepEd Task Force on School Sports officer in charge Rose Domingo, sinabi nito na walang katotohanan ang mga kumakalat na text messages na sa Bikol na gagawin ang Palaro sa Mayo.
“May mga nagpapakalat na text messages na ililipat sa Bikol ang Palaro. Hindi totoo ito at hindi ililipat ang Palaro sa Dapitan City,” wika ni Domingo.
Idinagdag pa nito na nagsagawa na ng ocular inspection ang DepEd kasama ang local officials noong nakaraang linggo upang makita nila ang ginagawang paghahanda ng Dapitan City.
Nanguna sa DepEd si undersecretary Tonisity Umali habang si City Government head Alemarlou Dagpin ang kumatawan sa siyudad at masaya at kontento ang ahensyang magpapalakad sa pinakamalaking kompetisyon para sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya.
“We are satisfied with what we saw and what the LGU is doing,” dagdag pa ni Domingo.
Ang Jose Rizal Memorial State University ang tatayong main venue habang nagsimula na rin ang construction sa ibang venues bukod pa sa billeting areas.
Gugugol ng P200 million ang Siyudad sa pagpapatayo ng mga bagong pasilidad.
Nakikipagtulungan kay Jalosjos ang Sibugay, Pagadian City at Zamboanga del Norte para matiyak na magiging maayos ang Palaro na inaasahang dadaluhan ng 10,000 manlalaro, opisyales at mga bisita.
Ito ang unang pagkakataon na magdaraos ng Palaro sa Dapitan at una sa Zamboanga matapos idaos sa Dipolog City ang kompetisyon noong 1982.