Pacquiao tinanggalan ng WBC belt!
MANILA, Philippines - Nagdesisyon ang World Boxing Council (WBC) na ideklarang bakante ang super welterweight division na inookupahan ng Pambansang kamao Manny Pacquiao.
Isang unanimous decision ang ginawa ng WBC board of governors nang ideklara nilang bakante ang dibisyon matapos ipaalam mismo ni Pacquiao ang kawalan ng interes na idepensa pa ang titulo.
Matatandaan na sa 154-pound division kinuha ni Pacquiao ang kanyang ikawalong world title sa magkakaibang dibisyon nang talunin si Antonio Margarito sa pamamagitan ng 12-round unanimous decision noong Nobyembre.
Pero nagdesisyon si Pacquiao na hindi na lalaban pa muli ng higit sa welterweight division dahil iniinda niya rin ang mga suntok na itinatama sa kanya ng mas malalaking kalaban.
Sa ngayon ay naghahanda si Pacquiao na idepensa ang hawak na WBO welterweight division laban kay Shane Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Nakasaad sa batas ng WBC na ang isang boksingero na may hawak na dalawang titulo ay kailangang isuko ang isa, 15 araw matapos makuha ang ikalawang kampeonato.
Ang aksyon ng WBC ayon sa kanilang kalatas ay hindi nangangahulugan na inaalisan na rin nila ng respesto ang kasalukuyang pound for pound king dahil anuman ang mangyari, si Pacquiao pa rin ay naging kabahagi at nagsimula sa nasabing dibisyon.
“Pacquiao will always be treated with respect, pride, and honor, as we have always done for all of the other historical WBC champions in the super welterweight division,” wika ng WBC.
Umabot na sa 12 taon si Pacquiao na kabilang sa WBC at dito nga niya nakuha ang unang titulo sa flyweight noong Nobyembre 4, 1998. Napanalunan din niya ang WBC titles sa super featherweight, lightweight, welterweight at ang huli nga ay ang super welterweight.
“Manny Pacquiao will always be remembered as one of the greatest champions of the many legends that the WBC has had like Muhammad Ali, Sugar Ray Leonard, Roberto Duran, Julio Cesar Chavez, Sonny Liston, George Foreman, Larry Holmes, Lennox Lewis, Marvin Hagler, Tommy Hearns, Carlos Monsoon, Wilfredo Gomez, Alexis Arguello, Salvador Sanchez, Jose Napoles, Flash Elorde, Vitali Klitschko, among many other greats that have written their names with golden letters in the history of WBC boxing at their times, which Manny will also leave, without a doubt, when he retires,” dagdag pa ng WBC.
Pinangalanan din ng WBC si world Silver champion Saul “Canelo” Alvarez bilang official challenger sa titulo laban sa kalabang dedesisyunan ng Board sa pamamagitan ng isa pang botohan.
- Latest
- Trending