Patrombon 'di na maisasama sa Davis Cup team
MANILA, Philippines - Hindi na maisasama si Jeson Patrombon sa Philippine Davis Cup na lalaro laban sa Japan sa Asia Oceania Zone Group I Davis Cup opening tie sa Plantation Bay sa Lapu Lapu, Cebu.
Ayon kay coach Manny Tecson, totoong nagkausap sila ni Philta vice president at Philippine Davis Cup administrator Randy Villanueva at ipinarating ni Villanueva na hindi na mababago pa ang naunang ninombrang manlalaro na sina Fil-Am Cecil Mamiit at Trett Huey bukod pa kina Johnny Arcilla at Elbert Anasta.
“Unfortunately Jeson will not be included as of now with the Davis Cup main team because Mamiit is sticking with his original line-up of Huey, Arcilla, Anasta and himself as playing captain,” wika ni Tecson.
Nanghihinayang din si Tecson na hindi napasama si Patrombon sa line up lalo nga’t siya ay number nine sa ITF ranking sa mundo sa larangan ng mga junior players.
Binanggit ni Tecson, isang dating Davis Cup team captain na maganda sanang oportunidad ito para kay Patrombon na makalaro sa Davis Cup dahil tiyak na lalawig ang karanasan nito tulad ng nangyari kay Felix Barrientos.
“As I can recall, Felix lost badly in his Davis Cup debut against Japan but that experience developed Felix to become the Philippines top ATP player and many times Davis Cup hero for the country,” dagdag pa ni Tecson.
Tanggap naman nila ang desisyong ito at bunga nito ay pagtutuunan na lamang ang paghahanda sa hard court para sa mga ITF Grade One tournaments na sasalihan ni Patrombon sa buwan ng Marso.
- Latest
- Trending