MANILA, Philippines - Lalabas na pinakamalaking Southeast Asian Games ang itataguyod ng Indonesia sa Nobyembre.
Ang pinal na usapin sa bilang ay pag-uusapan sa Pebrero 25 sa isang SEA Games Federation Council meeting sa Bali pero sa nakuhang detalye ng Philippine Olympic Committee (POC), lumalabas na may 542 events mula sa 44 sports ang isasagawa sa 26th edisyon ng tuwing kada-ikalawang taon na torneo.
Sa Jakarta at Palembang sa Indonesia isasagawa ang mga laro at magkakaroon ng 279 events sa kalalakihan, 236 events sa kababaihan at 27 mixed.
“Assuming all this is approved by the SEA Games Federation, this will be the biggest SEA Games event,” wika ni POC deputy secretary-general Mark Joseph na pangulo rin ng swimming.
Mga larong gagawin sa Jakarta ay ang aquatics, baseball, badminton, boxing, bridge, cue sports, chess, fin swimming, football, gymnastics, petanque, roller skating, sepak takraw, shooting, softball, tennis, soft tennis, beach at indoor volleyball, water sking, wall climbing, wrestling at weightlifting.
Ang archery, karate, wushu, basketball, cycling, judo, bowling, sailing, canoe-kayak, traditional boat race, equestrian, futsal, fencing, golf, paragliding, pencak silat, table tennis, kempo, vovinam at finals ng football ang ilalaro naman sa Palembang.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na tatayo bilang host ang Indonesia matapos kunin ang palaro noong 1979, 1987 at 1997.
May siyam na overall titles nang napanalunan ang Indonesia kasama nga ang mga taon na kung saan isinagawa sa kanila ang kompetisyon.
Bubuksan ang kompetisyon sa Nobyembre 11 sa Musi River at Kuto Besak Fort sa Palembang.