MANILA, Philippines - Maliban sa winning tradition ng isa sa team owners ng koponan, maipakita ang pride ng pagiging isang many-time Southeast Asian Games champion ang isa sa nakaatang sa balikat ng Philippine Patriots sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II Finals.
Kalaban ng nagdedepensang kampeon na Patriots ang lumakas na Chang Thailand Slammers sa best-of-three championship series na bubuksan sa Linggo sa Bangkok .
Nakuha ng Slammers ang karapatang hamunin ang Patriots matapos iuwi ang 73-62 panalo sa Singapore Slingers sa rubber match ng kanilang best-of-three semis series nitong Linggo sa Bangkok.
Mismong ang kanilang Thai-Filipino coach na si Raha Del Rosario Lortel ay aminadong maraming dapat gawin ang Slammers para maagaw ang titulo sa Patriots.
“We got to do a lot of homework as we face the Patriots in the Finals. But we are determined and will be ready for the challenge,” wika ni Lortel.
Angat ang Thailand kung head to head ang pag-uusapan laban sa Pilipinas sa regional basketball league na ito matapos kunin ang 2-1 karta sa triple round elimination. Papasok sila sa Finals taglay ang dalawang sunod na panalo sa Patriots kasama ang mahigpitang 76-83 double overtime na kabiguan sa Bangkok noong Enero 2.
Pero hindi naman natitinag si Patriots coach Louie Alas na aminadong kailangan nilang manalo upang mapangalagaan din ang winning tradition ni Mikee Romero ng Harbour Centre.