MOSCOW, Russia-- Piniga ni dating national junior champion IM Oliver Barbosa ang walang ranggong si Valentin Bobrov ng Russia sa kanilang seventh-round encounter sa 2011 Moscow Open chess championship sa Russia State Social University dito noong Biyernes.
Magaang na kinuha ni Barbosa, isa sa mahuhusay na Filipino Im na patuloy pa rin sa paghahanap ng mailap na GM title, si Bobrov (ELO 2236), hawak ang mga puting piyesa at paangatin ang kanyang personal record sa 5.5 puntos mula sa limang panalo ang isang draw at talo sa nine-round tournament na punong abala ang Moscow Chess Federation.
Susunod na makakasagupa ni Barbosa si GM Pavel Kotsur (ELO 2559) ng Kazakhstan sa eight at penultimate round.
Bago ang naturang panalo ni Barbosa, nakipag-draw si GM John Paul Gomez sa mas mababang ranking na si Vassily Ivanov ng Russia sa kabila na naglaro ang Pinoy woodpusher na hawak ang mga puting piyesa.
Gaya ni Barbosa taglay ni Gomez ang 5.5 puntos mula sa limang panalo, isang draw at talo.
Ang dalawang Filipino players ay tumabla mula sa 14th hanggang 40th places.
Base sa Buccholz tiebreak scores, hawak ni Gomez ang 25th puwesto at nasa 40th posisyon naman si Barbosa.