Kawawang mga ulila

Natapos man o hindi ang PBA Philippine Cup finals kagabi ay malamang na sa Lunes na lang gawin ang dispersal draft kung saan ang mga manlalarong naulila ng Barako Bull ay pagpipilian ng siyam na teams.

Pinayagan kasi ng PBA Board of Governors na mag-leave of absence ang Energy Boosters sa second conference at pupunan ng Smart Gilas ang puwestong ba­bakantehin nito.

Bukas ang pinto para sa Barako Bul na magbalik sa third conference. Kapag nagdesisyon itong bumalik, iba­balik din sa Barako Bull ang mga manlalarong napili sa expansion draft.

Believe it or not! Labingwalo ang manlalaro na na­ulila ng Barako Bull.

 Aba’y mas marami pa ang bilang nito kaysa sa line-up ng ibang teams na patuloy na lalaro sa second conference na magsisimula sa Pebrero 18.

Kung tutuusin, puwedeng tigalawang manlalaro ang kunin ng bawat isang team sa dispersal draft. Pero mamumrublema din sila dahil sosobra ang bilang ng ka­nilang mga manlalaro. Ibig bang sabihin ay iaakyat nila sa active list ang dalawang Barako Bull players na kukunin nila at maglalaglag ng dalawa?

Parang hindi makatarungan iyon sa mga regular pla­yers ng siyam na teams na mamimili.

At kung hindi naman ilalagay sa active list ang mga mapipili ay malamang na gawing practice players ang mga ito.

Ang siste’y mahal na pratice players silang lalabas. kasi may mga existing contracts sila sa Barako Bull. Eh, puwede namang kumuha ng practice players sa mga rookie free agents na walang kontrata. Mura lang ang ibabayad sa mga ito.

So, sa scenario na ito, malamang na manatiling ulila ang karamihan sa mga manlalaro ng Barako Bull. At kung may kontrata nga sila sa Barako Bull, obligado ang pamunuan na i-honor ito.

Aba’y kung patuloy na babayaran ng Barako Bull ang mga players nito kahit na hindi sila kasali sa second conference, ano pa ang dahilan kung bakit sila nag-file ng leave of absence. Magbabayad na rin lang sila, e di maglaro na sila. Sayang pa ang exposure at ang ad­ver­tising mileage na makukuha ng koponan kahit pa patuloy silang mangulelat.

Para sa kaalaman ng karamihan, ang mga manlalaro ng Barako Bull na pagpipilian sa dispersal draft ay si­na: Marlou Aquino, Aris Dimaunahan, Lordy Tugade, Richard Yee, Richard Alonzo, Ken Bono, Paolo Hubal­de, Rob Wainwright, Jojo Duncil, Mark Andaya, Jason Misolas, Pong Escobal, Dennis Daa, Marvin Cruz, Jim Bruce Viray at mga rookies na sina Borgie Hermida, Khasim Mirza at Vaughn Canta.

Tiyak na karamihan sa mga ito ay hindi mapipili at mahaharap sa madilim na prospect. Yung mga batang manlalarong tulad nina Hermida, Canta at Mirza ay wel­come na welcome na maglaro sa Philippine Basketball League na magsisimula sa katapusan ng buwan o kaya sa PBA Developmental League dahil sa pasok sila sa age limit.

Pero paano naman yung mga may edad na?

Either magretiro na sila o maghintay sa susunod na season at baka may bintana pang bukas para ma­ipagpa­­tuloy nila ang kani-kanilang careers.

Show comments