Philta tiwalang makakalusot sa Japan ang Phl Davis Cuppers
MANILA, Philippines - Sa pagkakataong ito ay malaki ang tiwala ng opisyales ng Philippine Tennis Association (Philta) na mangingibabaw na ang Philippine Davis Cup team sa Japan sa Asia Oceania Zone Group I first round tie sa Plantation Bay and SPA Resort, Lapu Lapu City Cebu.
Mula Marso 4 hanggang 6 itinakda ang sagupaan at ito ang ikalawang sunod na pagkakataon at tatlo sa huling apat na edisyon ng Asia Oceania Davis Cup na maglalaban ang dalawang bansa.
Angat sa 17-9 ang Japan sa Pilipinas sa head-to-head at umukit sila ng 5-0 panalo noong 2008 at 2010 edisyon.
Pero dahil iba ang court na gagamitin at inaasahang masusuportahan ng mga manonood maliban pa sa magandang samahan ng ninombrang manlalaro kung kaya’t nananalig ang Philta na mananalo na ang Philippine team sa taong ito.
“Tayo ang host at lahat ng advantage ay puwede nating ma-maximize kaya maganda ang chance natin ngayon,” wika ni Philta VP at Philippine Davis Cup administrator Randy Villanueva.
Sina Fil-Am Cecil Mamiit at Treat Conrad Huey ang mangunguna sa koponang bubuuin din nina Johnny Arcilla at Elbert Anasta. Ang apat na ito ang siya ring bumuo sa koponan na nalusutan ang Korea, 3-2, sa relegation tie finals para manatili sa Group I ang Pilipinas.
Sina Mamiit at Huey darating ng bansa sa Pebrero 18 at sa Pebrero 21 ay tutulak na ng Cebu para magdaos ng pagsasanay sa bagong gawang venue.
Ang mananalo sa tie na ito ay uusad upang harapin ang mananalo sa pagitan ng New Zealand at Uzbekistan para sa puwesto sa World Group Playoff sa 2012.
Ang matatalo naman ay mangangailangan na manalo sa isa sa dalawang laro sa relegation tie para manatili sa Group I sa susunod na taon.
- Latest
- Trending