Pacquiao-Mosley fight sa CBS na mapapanood
MANILA, Philippines - Tiyak na mas marami ang makakapanood ng laban sa pagitan nina Manny Pacquiao at Sugar Shane Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Ito’y matapos magdesisyon ang Top Rank na ilipat na mula sa HBO tungo sa karibal nitong CBS-Showtime network ang hahawak sa Pay Per View ng nasabing laban. Itataya ni Pacquiao ang hawak na WBO welterweight title kay Mosley sa unang laban ni Pacquiao sa 2011.
Ang HBO ang siyang nagsa-ere sa mga huling malalaking laban ni Pacquiao pero nagdesisyon ang Team Pacquiao na ilipat ito sa CBS-Showtime dahil sa mas malaking sakop ng manonood nito. Pumapalo na sa 115 million ang tumatangkilik sa CBS-Showtime kumpara sa 28 million lamang ng HBO.
Mismong si Michael Koncz ang nagkumpirma sa paglipat na ito dahil sa magandang kikitain.
“It’s a big benefit for us, economically, and he’s (Pacquiao) going to be getting wider viewership,” wika ni Koncz kay Lem Satterfield ng Boxing Fanhouse.
Inamin din niyang masaya sila sa ginawang pakikipagsanib sa HBO pero kailangan umano rin nilang subukan ang iba para makilatis ang kayang ibigay ng ibang istasyon.
Ang Pacquiao-Mosley fight ay hindi naman magiging unang laban ng Top Rank sa CBS-Showtime dahil gagawin din sa nasabing network ang tagisan nina Brandon Rios at Miguel Acosta sa Pebrero 26, ang WBA junior middleweight title fight sa pagitan nina Miguel Cotto at Ricardo Mayorga sa Marso 12 at ang pagkikita nina WBO featherweight champion Juan Manuel Lopez at Orlando Salido sa Abril 16.
- Latest
- Trending